Tuesday, January 1, 2013

Ang pagtugon sa buhay kabanalan. . .


Mga minamahal na kapatid kay Kristo:

“Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”
-Lucas 10:24

Ang buhay kabanalan ay ipinapahayag ng ating Panginoon hindi lamang sa mga nagnanais tumugon sa bokasyon ng pagpapari o sa mga taong kabilang sa kongregasyon ng mga relohiyoso at relihiyosa,  tayong lahat ay inaanyayahan niya na mamuhay ng naayon sa kanyang mga turo at aral na ipinahayag niya sa pamamagitan ng kanyang mga Salita na ipinagkaloob sa atin.

Ang pamumuhay ng naaayon sa ninanais ng Diyos ay isang sakripisyo para sa lahat ng tao na nabubuhay sa mundong ito, lalo’t higit sa mga taong hindi handang talikuran ang makamundong pamumuhay at pangangailangan. Kung tayo’y mamumuhay sa pamamaraang ninanais ng ating Panginoon maiisip natin na maraming gawain na dapat ipagpatuloy dito sa daigdig.

Ipinahayag ng ating Panginoong Hesus mula sa Mateo 10:42 na “ Sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”

            Marami sa atin ang uhaw sa panahong ito, marami ang nagugutom, marami ang mga walang masuot na damit, at marami sa ating mga kapatid ang walang matuluyan. Hindi lahat ng tao sa daigdig na ito ay nabiyayaan ng isang magandang kapalaran, at hindi din lahat ng ating mga kapatid na naririto ay may kakayahang tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga sarili. Sa pamamagitan ng mga pusong puspos ng pag-ibig ng Diyos, ang kanilang pagkauhaw, pagkagutom, at paghihirap ay maiibsan.

Ako’y naniniwala na ang bawat isa sa atin ay mayroong dapat gawin, at mayroong kakayahang gawin ang mga bagay na ito upang ang gawain ng ating Diyos ay maipagpatuloy. Ang pagtugon sa ilang pangangailangan ng ating mga kapatid ng walang hinihintay na kapalit ay isang dakilang gawain at lubos na kalugodlugod sa paningin ng ating Panginoon.

Ang kaawaan sila’y hindi sapat, ang tumangis dahil sa kanilang kalagayan ay kulang upang maibsan ang kanilang pagdurusa. Kung bibigyan lamang natin ang ating mga sarili ng pagkakataon na maipadama sa ating kapwa ang pag-ibig ni Kristo ay natitiyak ko na maiibsan din ang maari nating maging paghihirap at pagdurusa dahil sa mga kasalanan na ating nagawa at patuloy na ginagawa habang tayo ay nabubuhay.      

Hindi ko alam kung paano simulan ang gawain na ito. Naniniwala ako na ang pag-ibig ni Kristo ang siyang dapat maging pundasyon ng lahat ng bagay dito sa daigdig. Ang mabuting kalooban niya at ang kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus ang siyang naging inspirasyon ko upang simulan ang gawain na ito.


“Pagkatapos nito, alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng kasulatan ay sinabi niya, NAUUHAW AKO!”

-Juan 19:28

No comments:

Post a Comment